To mark today's occasion, let me share this poem by Rico Abelardo. I read this when I was in college. I think it was Bobby Guev(ara) who handed us a copy of this poem around Valentine's Day. Not really sure now. Anyways, I think it's one of the better Valentine poems I've read as it celebrates not the lovers, but love itself.
mangyari lamang ay tumayo
ang mga nagmamahal
nang makita ng lahat
ang kagandahan ng mukha ng pag-ibig
ipamalas ang tamis
ng malalim na pagkakaunawaan
sa mga malabo ang paningin
mangyari lamang ay tumayo rin
ang mga nagmahal at nasawi
nang makita ng lahat
ang mga sugat ng isang bayani
ipadama ang pait ng kabiguan
habang ipinagbubunyi
ang walang-katulad na kagitingan
ng isang nagtaya
mangyari lamang ay tumayo
ang mga nangangambang magmahal
ng makita ng lahat ang kilos ng isang bata
ipamalas ang katapatan ng damdamin
na pilit ikinukubli ng pusong lumaki sa mga engkanto at diwata
mangyari lamang ay tumayo
ang mga nagmahal, minahal at iniwan
ngunit handa pa ring magmahal
nang makita ng lahat ang yaman ng karanasan
ipamalas ang mga katotohanang nasaksihan
nang maging makahulugan
ang mga paghagulgol sa dilim
at sa mga nanatiling nakaupo
mangyari lamang ay dahan-dahang tumalilis
papalabas sa nakangangang pinto
umuwi na kayo
at sumabatan ang mga magulang
na nagpalaki ng isang halimaw
at sa lahat na naiwang nakatayo
mangyari lamang ay hagkan ang isa't isa
at yakapin ang mga sugatan
mabuhay tayong lahat
na nagsisikap na makabalik
sa ating pinagmulan
manatiling masaya
at higit sa lahat
magpatuloy sa pagmamahal
2 comments:
Reading the poem you posted brought back so many (good)memories of TH141 and our trip to Gabaldon. Yey, to you for posting.
Happy Valentines!
i know, that whole weekend was truly memorable! i still have a copy of the pamphlet we handed out for our presentation. =)
Post a Comment